Sigurado ako naranasan niyo ng maligo sa ulan. E ang mag-swimming sa baha? Ako oo! Dalawang beses pa.
Una, noong nasa elementarya pa ako. Ang saya-saya naming mapi-pinsan habang feel na feel naming inaanod kami ng tubig baha. Walang pakialam kesyo may mga lumulutang na mga ipis o kung anu-ano pang mga bagay na produkto ng tiyan ng tao at hayop. Pangalawa, heto at sariwa pa sa alaala ko. At siguradong habang buhay nang tatatak sa aking gunita.
Araw ng Sabado, nagising ako sa tunog ng ulan na walang tigil sa pag-patak sa bubong namin. May bagyo nga pala, sabi ko sa sarili ko. Sumilip ako sa bintana. Lampas talampakan na ang baha! Napangiti ako. Sa buong Marikina kasi, isa ang lugar namin sa mga bihirang bahain.
Pagkatapos mag-ayos at dumiretso ako sa kusina at tinulungan sa pagluluto ang Mama ko. Habang nagpi-prito ng tosino ay aliw na aliw naman akong pinagma-masdan unti-unting pag-akyat ng tubig sa labas.
Mga nasa limang pulagada na siguro ang lalim. Ilang minuto ang lumipas. Nasa binti na ng Tito ko. Ilang minuto pa ang nagdaan. Halos maabot na ang tuhod niya. Ilang sandali lang ay papasok na ang tubig. Hindi rin nagtagal at nangyari na ang kinatatakutan mg Mama ko. Dali-dali naming inangat ang mga gamit sa baba ng bahay, kasama ang washing machine na nakaligtaan naming meron pala kami.
Pero walang mababakas na pag-aalala sa aking mukha. Totoo nyan, naka-ngiti pa ako. Sabi ko nga, bihira lang kasing mangyari ang ganito.
Walang tigil ang pag-ulan. Wala ring tigil ang pagtaas ng tubig. Mabilis. Ilang minuto uli ang lumipas. Hanggang tuhod na ang tubig sa loob ng bahay. Hindi na namin alam kung ano pang pag-angat ng gamit ang gagawin namin. Pinabayaan na lang naming lumutang ang sopa.
Dahil basa na rin, lumabas kami ng bahay. Hanggang hita na ang tubig. Sa galak ay nakuha ko pang kumuha ng mga litrato.
Umakyat na sa bewang ko ang tubig.
Nawalan na ng kuryente.
Nag-patuloy kami sa pag-salba ng mga gamit.
Hanggang tyan ko na ang baha.
Nawala na ang tuwa.
Nanginginig na ang buo kong katawan. Pakiramdam ko lulan ako ng barkong Titanic at pinagma-masdan ang unti-unting paglubog nito.
Nagpasya na akong umakyat. Wala na rin kaming magagawa nung mga panahong iyon. Nakuntento na lang ako sa pagma-masid ng mga kaganapan mula sa terrace. Naaawa kong pinag-masdan ang mga pusang nilalamig sa bubong nga mga kapit-bahay, ang mga batang inililikas ng mga magulang. Isang kapitbahay ang dumaan sa tapat at nag-dala ng masamang balita – meron na raw namatay. Nalunod.
Muli kong binaling ang atensyon sa ulan. Hihinto rin yan maya-maya, sabi ko.
Lumakas ang hangin. Tumaas pa ang baha.
Hanggang sa dumilim. Naalala ko, wala nga pala ang Papa ko. Nandun sa kaibigan niyang nag-iisa at may sakit. Sabi ng Tito ko, hanggang balikat na raw ang tubig sa labas. Wala namang second floor dun sa bahay ng kaibigan ng Papa ko, naisip ko bigla…
Lumalim ang gabi. Hindi ko na alam kung gaano na kalalim ang tubig sa labas. Pumikit ako at nag-dasal. Di nagtagal, naramdaman ko na lang na uminit ang hangin. Tumigil na rin ang ulan. Tahimik akong nag-pasalamat at nahimbing.
Kinabukasan nagising ako sa sinag ng araw na direktang tumatama sa aking mukha. Tapos na. Sumilip ako sa bintana at nasambit ang, “PUTIK!”. Andyan na rin si Papa. Balik na uli ang lahat sa dati – o siya nga ba?
Buong araw kaming nag-ayos at nag-linis ng mga bakas na iniwan ni Ondoy, ang di inaasahang bisita. Bakas ang pagod sa mukha ng bawat isa. Bawat pag-buhos ng tubig at pag-kuskos ng namuong putik may kakambal na buntong-hininga.
Gabi na ng muling bumalik ang kuryente. Agad kong binuksan ang TV at naabutan ang mga balita tungkol sa nakalipas na bagyo. Libu-libo ang na-apektuhan. Hindi iilan ang nasawi. Marami pa ang kailangang tulungan. Muli akong napa-pikit. Sinabi ko sa sarili, maswerte ka pa talaga.